Ang Badayo ay malapit sa Balsahan River. Dito ibinabara ang mga bangka maliit man o malaki. Tuwing madaling araw ay bumababa ang mga regatona upang bumulong kay Lola Trining o kay Kuya Lito o kaya ay kay Kuya Vic kaya tinawag itong bulungan. Kung sino ang may bulong na pinakamataas na presyo sa mga isdang nakaparada ang siyang mananalo. Magagaling at bihasa ang mga regatona sa pag presyo ng mga isda.
Malaki ang importansya ng badayo sa buhay ng tropa at sa mga taga Balsahan noong araw. Kailangan mo lang gumising ng maaga para antayin ang paghahango ng isda. Para magkapera, tutulong ang tropa sa pagbubuhat ng banyerang puno ng isda at yelo. May nagbubuhat ng banyerang puno ng yelo para ikarga sa ice box ng mga malalaking bangka. Pagkatapos niyon ay aabutan na ng "piloto" o manedyer ng bangka ang tropa ng mga pinagpiliang isda minsan malambot na dahil nailaliman ito pero sariwa pa. Minsan naman ay magandang isda din. Pag maliwanag na , kung hindi man uulamin ay dadalhin sa palengke maka-akyat lang sa paso. May bibili sa murang halaga kaya't may pera na.
Kapag may bagyo at malakas ang ulan, at walang lumaot na bangka, hindi pa rin tumitigil sa pagdiskarte ang tropa. Ang gagawin nila ay kukunin ang mahabang salok ni Kuya Senyong, Kuya Pepe at Pinocchio. Pupunta na sila sa badayo upang mang huli ng talangka o kung tawagin ay katang . Sumasama sa agos ng tubig ang katang galing sa bandang itaas ng Naic. May magdadala ng hiniram na ilaw para mahuli sila. Kapag naipon na ang mga nahuling katang, lilinisin ito at lulutuin. Manghihingi na ng bahaw kay Nanay Nita, Ate Melit at sa amin. Magkakainan na sa kanto dahil doon lang may ilaw at may upuan. Kapag naubos na at nabusog na, hindi pa sila uuwi dahil magpapalipas pa ng busog bago matulog. Magkukwentuhan pa.
2 comments:
maganda iyang naisip mo, naaalala ko ang mga panahon dyan sa atin at ako ay natutuwa at may ngiti sa aking labi kapag naaalala ko noong araw. good job. keep up the good work.
sana ay umuwi kayo para sariwain ang mga masasaya at magagandang alaala sa atin
Post a Comment