Friday, December 26, 2008

esperma at agua florida





kapag ang isang bata ay nilalagnat tuwing hapon, malamang ay nabati siya. halos walang bata sa balsahan ang hindi natawas ni ka filemon. kailangan lang ay kandilang esperma at agua florida. dadasalan ni ka filemon ang kandila at hahatiin sa apat na bahagi. kukunin ang tatlong bahagi at sisindihan ang ikaapat. itatapat ang kutsara sa apoy at sisimulan na ang pagtatawas. ang tatlong bahagi ng kandila ay iku-kurus sa bandang ulo, dibdib at sa may bandang ibaba ng katawan, bubulungan at ilalagay na sa mainit na kutsara isa-isa. kapag lusaw na ay pa-kurus na isasaboy sa ibabaw ng puting losang planggana na may lamang tubig. may mga imaheng mabubuo na si ka filemon lang ang nakakabasa. sasabihin niya kung ano o sino ang nakabati . kalimitan ay lamang lupa o mga engkanto na naninirahan sa poso o sa mga malalaking puno ang makikita. minsan naman ay ilalarawan niya ang itsura ng tao at kikilalanin upang mapalawayan ang may sakit para mawala. lalagyan niya ng agua florida ang mga palad niya at hihilutin ang ulo ng may sakit at bubulungan at bubugahan. kailangan ding mag-luop ng ansenso at kamangyan. ang hiling niya ay magtirik ng kandila sa ina ng laging saklolo sa simbahan. sadyang gumagaling ang mga tinatawas niya kaya't siya ay dinadayo.

No comments: