"Naic na ho!" Sigaw ng konduktor ng Saulog. Nagising ako at pupungas-pungas habang pinapahid ang laway na tumutulo sa mangas ng babaing kasama ko, medyo sinilip ko pa ang basang sahig ng Saulog dahil sa aking kinain,"yuk! "Mahirap ng mayapakan, baka madulas. Nakakahilo kasi sa Saulog, bukod sa matulin ang takbo, di pa nagmemenor sa lubak at amoy ng gasolina. Lubak-lubak pa naman ang daan sa Naic, halos umabot ang ulo ko sa bubong kapag nalubak at masakit ang puwet pagbagsak sa upuan, wala naman kasing kutson, kahoy lang.
Pumarada ang Saulog malapit sa simbahan ng Naic sa harap ng basketball court malapit sa paupahan ng bisikleta ni Tuin na dikit ang bahay sa pader ng Mababang Paaralan ng Naic, hmm, maraming puno ng akasya doon.
Nagdudumaling tumayo ang babaing kasama ko at binitbit ang mga pinamili sa Divisoria , "Hoy Gil tulungan mo ako dito", atas ng babae." Opo", sabay bitbit ko ng basyong kahon na kulay puti na paglalagyan ng saya para sa darating na prusisyon. Naic na, ani ko sa isip ko, habang humahakbang pababa sa matarik na baytang ng Saulog.
Pagbaba ko, ipinatong ko sa ulo ko ang basyong kahon na kulay puti na malaki pa yata sa akin. Habang naglalakad pauwi ng Balsahan, natanaw ko ang kiosko (plano pa lang noon na gawin ang plaza), kulay pink ang pintura, kupas na at marami ng butas at basag ang mga poste at gilid, huwag mo ng isama ang amoy. Nagkalat ang mga paninda at mga pinagkainan ng pakwan, dumi ng tao at hayop sa mga gilid. Kasama na kong kumakain doon, libre lang, nangnenenok kami ng pakwan. Lalakad lang kami ng kalaro ko na pareho kong nanlilimahid sa gilid ng palengke o sa mga nagtitinda, kapag nalingat ang tindera sisipain ang pakwan na nakakalat sa karsada, tatakbo kami at pupulutin ang pakwan. Muli, tatakbo kami sa kiosko at ibabagsak ang pakwan para mabiyak upang makain, mainit-init pa. Masama iyon, pero ano ba ang alam ng isang bata na ang alam ay maglaro, kumain at matulog. Pinatawad na ako ng Diyos. Sabi nga sa Bibliya, “Walang sinuman ang matuwid, lahat ay nagkasala”. Subalit ang lahat ay may kapatawaran sa pamamagitan ng pagtanggap natin sa Panginoong Hesus.
Malapit na kami sa kiosko ng may makasalubong na matabang babae ang babaeng kasama ko. "Hoy Salud ano ba balita?" At nagsimula na ang walang katapusang kuwentuhan. Hinihila ko sa damit ang babaeng kasama ko, paramdam sa kanya na umuwi na tayo, pero tumingin lang sa akin ng matalim. Naubos na ang kalahating oras bago nagpaalaman ang dalawa. Naglakad na ulit kami, paglapas ng kiosko bago pumasok sa palengke, may nakasalubong na naman na babaeng payat. Kung ano ang haba ng paghihintay ko sa nauna, ganoon din sa pangalawa. Hay hirap, masakit na ang ulo ko sa kahong nakapatong sa ulo ko, masakit pa betlog ko. Binagtas namin ang loob ng palengke patungo sa hagdang bato ng Balsahan na kung tawagin ay “paso”, siyempre, may mga nangungumusta sa mga nakakasalubong ng babaeng kasama ko. Para namang langgam ito, sa isip-isip ko. Ang langam kasi kapag may nakakasalubong na kapwa langgam, parang naguusap na tila ba nagkukumustahan. Pagbaba ng paso, napadaan naman kami sa upuang kawayan (di pa sementado ang daan) sa harap ng bahay ni Ate Nene. Dito na natapos ang lahat, umupo na ang kasama kong babae at dinakdakan na ng kuwento. Aniya, "Gil iuwi mo itong pinamili". "Opo", nakailang balik ako para iuwi ang mga pinamili. Matinis na tinig at tawanan ang naririnig ko habang patuloy sila sa pagkukuwetuhan habang bumabangka ang babaeng kasama ko. Sa mata ng isang musmos, wala problema sa buhay at palaging masaya sa lugar na aking sinilangan… ang Balsahan.
Sa huling balik ko tinawag ko ang kasama kong babae at inaya kong kumain. Mauna na kayo at susunod na ako, sagot niya. Matapos ang isang oras saka pa lang sumunod at umupo sa hapag kainan upang kumain ng hapunan at pagkakain ay nahiga at umidlip. Pasado alas-dose ng gabi, naalimpungatan ako sa tunog ng makina at sinilip ko ang babaeng kasama kong lumawas ng Divisoria. Andoon siya sa makina at nanahi, suot ang salamin, nakayuko at kurkubada ang likod. Muli akong bumalik sa pagtulog, paggising ko sa umaga, andoon pa rin siya at nanahi sa ganoon pa ring posisyon. "Di na ho ba kayo natulog?" Tanong ko. "Hindi na at kaylangan kasi ito ni Salud ngayon", sagot nya. Di na ako kumibo at naligo na ako para sa maghanda sa pagpasok sa Mababang Paaralan ng Naic. Umuwi ako ng tanghali at nadatnan ko na nanahi pa rin siya, sipag naman ng babaeng ito, sa isip-isip ko. "Kumain na ho ba kayo? "Tanong ko. "Hindi pa, tatapusin ko na ito bago ako kumain". Maya-maya ay pumuwesto na sa hapag kainan ang babaeng kasama kong lumuwas ng Divisoria at kumain ng pananghalian. Pagkakain ay nahiga sa sala set at pumikit ang mata, dahil siguro sa pagod at puyat. Muli naghanda ako sa pagpasok sa eskuwela, hindi na ko nakapagpaaalam sa kanya dahil humihilik na siya.
Paguwi ng hapon galing sa eskuwela, nadatnan ko naman na nagdidilig siya ng halaman. Sa isip ko, wala yatang kapaguran ang babaeng ito… ang babaeng ito na kung tawagin ko ay NANAY.
Epilogue:
Sa mura kong isipan pinilit kong intindihin ang mga bagay na ginagawa ng nanay ko. Bakit di kami nagkakausap na madalas? Bakit di niya ako kinukuwentuhan? Bakit lagi siyang nanahi at kung di nanahi ay nasa Munisipyo ng Naic? Bakit di niya ako niyayakap? Bakit wala kaming baon ni Jesse sa eskuwela? Bakit butas ang short namin ni Jesse at hindi matahi gayong mananahi siya? Bakit kaylangang isuot namin ulit ang nahubad ko ng damit para lang may maisuot? Bakit lagi siyang nagpupunta sa Munsipyo? Bakit kaylangang ilabas niya sa kulungan si Pileng na kapatid ni Totoy at Puti? Bakit kaylangan naming manahi ng bulaklak para may pambaon ako? Bakit masakit ang betlog ko? Bakit lagi na lang akong pinagsasaing? Bakit di ko naririnig sa kanya ang salitang “Anak mahal kita”? Mahal ba ako ng nanay ko? Sa mura kong isipan, marami akong tanong na di ko masagot at kung masagot man ng panahon na iyon, siguro ay di ko pa rin lubusang mauunawaan…musmos pa nga ako.
Sa paglipas ng panahon ay unti-unti kong nakita ang pagkahukot ng likod ni Nanay, pagkulubot ng mukha, pagbagal ng lakad, pagputi ng buhok at paggaralgal ng boses. Wala na ang dating tinis ng boses niya sa pagkukuwentuhan sa kanyang mga kaibigan, parang pagod na siya…tumatanda na si Nanay.
Tumatanda na nga si Nanay at kaming magkakapatid ay nagsilaki naman. Unti-unti sa aking paglaki, nakita ko ang mga bagay na kanyang ginagawa na naging pundasyon ng pananaw ko sa buhay at ng aking pagkatao, siguro pati na ng mga kapatid ko. Minsan lang siyang magsalita sa amin, mga pahayag ng kaalaman at karunungan na hanggang ngayon ay aming pinakikinabangan. Ipinakita niya sa amin ang kanyang kasipagan, minsan niyang binanggit sa akin, “Tamad lang ang nagugutom”. Sa mga ginagawa niya, nakita ko ang kahalagahan ng pagtitiyaga, muli naalala ko ang sinabi niya, “Kapag dumating ang opurtunidad, hawakan at alagaan mo, pagtiyagaan mo dahil iyan ang simula ng iyong paglago”. Natutunan ko kung ano ang kahulugan ng respeto sa sarili, wika niya sa akin, “Huwag kang kakain at magsusuot ng damit na hindi mo pinaghirapan at pinagpawisan, kung ibinibigay sa iyo, kuhanin mo at magpasalamat, pero huwag na huwag mong kukuhanin o aariin ang hindi sa iyo”. Sa kanyang pakikipagkuwentuhan sa mga kaibigan, nakita ko ang kumpiyansa niya sa sarili niya na kung minsan ay nabibigyan ng ibang kahulugan ng ibang tao na mayabang. Natutunan ko ito at nagamit sa pakikipagusap at argumento sa ibat-ibang klase ng tao. Sa paggawa ko ng gawaing bahay, natutunan ko na paghahanda ito sa hinaharap upang matutunan kong tumayo sa sarili kong paa. Higit sa lahat, nakita ko kung paano niya tulungan ang sarili niya at kapwa niya, isang bagay ang tinandaan ko na sinabi niya, “Kung gusto mong makatulong sa kapwa, tulungan mo muna ang sarili mo dahil kahit kaylan hindi kayang tumulong ng isang mahina, magpalakas ka muna”.
Minsan-minsan ko lang siyang nakitang umiyak, matapang siya hindi sa pakikipag-away sa kapwa, kundi kung paano siya humarap sa mga suliranin at kung paano niya ipahayag ang kanyang mga opinyon,. Malakas siya hindi dahil sa kanyang pangangatawan, kundi kung paano siya bumangon kapag nadapa at bumangon muli kapag muling nadapa, hindi basta-basta sumusuko si Nanay. Ito ang mga bagay na natutunan ko sa aking Nanay na nagpatibay ng aking pagkatao at kung paano humarap sa mga hamon ng buhay, siguro ganoon din sa aking mga kapatid. Ito ang mga bagay na nagpapatunay na “Mahal ako ng Nanay ko”. Ito ang Nanay ko sa mata ng isang anak, ang Nanay ko na kung tawagin sa Balsahan ay Kapitana, Ate Pacing, Pacing at Mama Anying. Ikaw, may alaala ka ba ng Nanay ko?
The End
3 comments:
si kapitana pacing ay naging kapitana sa balsahan. pacita montano pilpil ang tunay niyang pangalan. ang palayaw niya ay kapitana, pacing at mama anying. ang kanyang asawa ay si amado sevillano pilpil. ang kanyang mga anak ay sina pepe(sln) , amor, alma, rafaelito (sonny), ruby, gil at jessie.
maganda ang kanyang pagpapalaki sa kanyang mga anak. tinuruan niya sila na magtiwala sa sariling kakayanan at hindi umasa sa iba. napag-paaral niya ang kanyang mga anak sa sariling sikap at sa pagpupunyagi din ng kanilang mga sarili. at ngayon, ito ay kanilang tinatamasa.
matalino at magaling siyang pinuno . siya ay magaling makisama at iginagalang ng lahat ng kanyang nasasakupan. kapitana kung tawagin siya sa balsahan, siya ay aming inspirasyon sa larangan ng pamumuno at pakikisama. marami siyang naituro sa amin na hanggang ngayon ay amin pa ring na-isasagawa sa aming buhay kaya't hindi namin siya malilimutan.
ang mahalagang nagawa niya sa nayon ng balsahan ay ang pagpasamiyento ng kalsada ng balsahan. hanggang ngayon ito ay atin pa ring napapakinabangan. nanghingi siya ng pondo mula sa mga matataas na nanunungkulan sa pamahalaan. materyales ang kanyang nahingi at sa pamamagitan ng pagtutulong-tulong o bayanihan ng mga taga-balsahan , ito ay nagawa .
marami siyang talento. maganda ang kanyang tinig at magaling siyang umawit. sabi ng aking nanay, noong araw ay laging naiimbitahan si mama anying sa mga awitan. kapag may mga pagpupulong at may mahalagang panauhin , hinihilingan din siyang umawit.
siya din ay nananahi ng mga gown at bestida. marami siyang tinatahian . mga damit pang kasal, karawan, mahahalagang okasyon at pang sagala ang kanyang tinatahi. siya ang tumatahi para sa mga mayayaman sa naic na talaga namang magaganda.
she was my lola, i am very proud of her
Raemuel Flores (son of amor)
kami din , ipinagmamalaki namin siya. at kung may pagkakataon ay mabigyan namin siya ng parangal(posthumous) para sa mga nagawa niya.
Post a Comment